Humingi ng paumanhin si Iloilo Representative Richard Garin sa Philippine National Police (PNP) matapos nilang upakan ng kanyang ama ang isang pulis nitong Miyerkoles ng madaling-araw.
Sa naging panayam kay Garin, sinabi nitong nadismaya lang siya nang malaman na kinausap ni PO3 Federico Macaya ang isang biktima na iurong ang reklamo laban sa suspek na nanakit sa isang bata sa selebrasyon ng “Disyembre sa Guimbal” noong Disyembre 22.
Gayunpaman, sinsero umano siyang humihingi ng tawad sa nangyari at aakuin ang responsibilidad sa kanyang naging aksiyon.
Nilinaw naman nito na ang ginawa niya ay hindi laban sa PNP o sa mga tauhan nito kundi sa sobra niyang pagkadismaya sa ginawa ng isang alagad nito.
Si Garin at ang kanyang ama na si Guimbal, Iloilo Mayor Oscar Garin ay mahaharap sa reklamong physical injury, direct assault at alarm and scandal dahil sa pambubugbog umano ng isang police officer sa kanilang bayan.
[the_ad_placement id=”content”]
Mismong PNP Region 6 ang magsasampa umano ng kaso laban sa dalawa matapos umanong disarmahan, iposas, duraan at bugbugin si Macaya sa public plaza ng Guimbal.
source: abante.com.ph