Home showbiz Supreme Court junks ABS-CBN copyright infringement case vs Willie Revillame, TV5

Supreme Court junks ABS-CBN copyright infringement case vs Willie Revillame, TV5

Ibinasura ng Supreme Court ang petition for review na inihain ng ABS-CBN laban kay Willie Revillame at sa TV5

1472
0
Supreme Court junks ABS-CBN copyright infringement case vs Willie Revillame, TV5

Ibinasura ng Supreme Court ang petition for review na inihain ng ABS-CBN laban kay Willie Revillame at sa TV5.

Ito ay kaugnay ng copyright infringement case na una nang ibinasura ng Court of Appeals.

Isinampa ng ABS-CBN ang copyright infringement case laban kay Willie at sa TV5 program nitong Willing Willie sa Makati City Regional Trial Court (RTC) noong November 24, 2010.

Ayon sa Kapamilya network, gayang-gaya ng Willing Willie ang dating programa ni Willie sa ABS-CBN, ang Wowowee.

Si Willie rin ang host ng Willing Willie, na naging programa niya sa TV5 matapos umalis ang TV host sa bakuran ng ABS-CBN noong 2010.

Humihingi noon ang ABS-CBN ng P127 milyon na danyos laban kay Willie at sa TV5.

Nagsampa naman ang TV5 ng Motion to Dismiss sa Makati RTC Branch 66, kung saan na dinidinig ang kaso (Civil Case No. 10-1155).

Sa kabila nito, noong December 2, 2011, naglabas ng desisyon ang Makati court na nagtuloy sa pagdinig sa kaso, at hindi niresolbahan ang petisyon ng TV5.

Bunsod nito, nagsampa ang TV5 sa Court of Appeals ng Petition for Certiorari and Prohibition noong December 6, 2011.

Pinanindigan ng TV5 na kailangang resolbahan muna ng Makati RTC ang kanilang Motion to Dismiss bago ituloy ang hearing para sa TRO.

COURT SUPREME DECISON
Sa tatlong-pahinang resolusyong inilabas ng Korte Suprema noong October 16, 2019, sinabi ng division clerk of court na si Librada C. Buena na pinagtibay ng Supreme Court ang naunang desisyon ng Court of Appeals (CA) noong September 5, 2011.

Inatasan din nila ang ABS-CBN na magbayad ng halagang nagastos para sa kanilang reklamo.

Sinang-ayunan din ng Kataas-taasang Hukuman ang pagbasura ng desisyon ng Court of Appeals na pagbasura sa naunang ruling ng Makati RTC.

Ito ay dahil ang reklamong copyright infringement na isinampa sa kanilang sala ay masasabing “forum shopping” dahil isinampa rin ito sa Quezon City RTC.

Sa desisyon ni Makati City RTC Branch 66 Presiding Judge Joselito Villarosa, pinapatigil niya ang airing ng show ni Willie sa TV5 na Willing Willie.

Pinayagan din niyang magpatuloy ang civil complaint laban kay Willie, sa kanyang production office, at ng Kapatid Network.

Sa reklamong inihain ng ABS-CBN sa Makati-RTC, hiniling nilang ipatigil ang pag-ere ng show ni Willie sa TV5 dahil parehong-pareho raw ang konsepto nito sa Wowowee.

Pero ayon sa desisyon ng Supreme Court, na inilathala ng Philippine News Agency (PNA) ngayong araw ng Huwebes, December 12, “As correctly held by the CA, Wilfredo Revillame’s (Revillame) refusal to ‘honor his talent agreement by not working for a rival network is the delict that purportedly violated the petitioner’s rights in the separate claims.

“Thus, the petitioner resorted to forum shopping when it filed a complaint for infringement, the cause of action of which is similar to its compulsory counterclaim (in another case) considering that both can be traced from Revillame’s refusal to honor his talent agreement.’”

WILLIE AND ABS-CBN COURT BATTLE
Nabigong mapigilan ng ABS-CBN ang pag-eere ng TV5 ng Willing Willie noong November 2010.

Hindi pinayagan ng hukuman ang petisyon ng Kapamilya network na agarang hainan ang programa ng temporary restraining order (TRO).

Ayon sa petisyon ng ABS-CBN, hindi maaaring magkaroon ng ibang programa si Willie sa ibang istasyon dahil nakakontrata pa ito sa kanila hanggang sa taong 2012.

Hindi naman nakita ng hukuman ang sinasabi ng Kapamilya network na “urgency” para agad ibigay ang desisyon ng korte.

Saad ni Willie sa panayam sa kanya ng Aksyon Prime ng TV5 noong November 2010, “Di ko maintindihan kung bakit galit na galit sa akin ang ABS-CBN.

“Sila naman ang nagtanggal ng programa na Wowowee. Sila naman ang nagsabi sa akin na hindi na ako tanggap ng tao.

“Nag-file sila ng case sa Quezon City, na-junk yung TRO. Yung mataas na korte na, sa Court of Appeals, na-junk yung TRO.

“Kaya sa Makati, hindi ko maintindihan kung bakit lahat na lang yata ng korte sa Pilipinas, e, kakasuhan nila ako. Hindi ko maintindihan kung bakit.”

Noong May 2015 ay lumipat si Willie sa GMA-7, kung saan matagumpay ang kanyang early primetime game show na Wowowin.

Comments

comments